CENTRAL MINDANAO – Mahigit 500 magsasaka ng palay mula sa lungsod ng Kidapawan, at mga bayan ng Arakan at Makilala ang makakabenepisyo na sa Survival and Recovery Assistance o SURE aid program ng Department of Agriculture (DA).
Pinangunahan nina City Mayor Joseph Evangelista at Department of Agriculture 12 Executive Director Milagros Casis ang pagbibigay ayuda sa kasalukuyang pangangailangang pinansiyal ng mga magsasaka dulot ng mababang presyo sa mga pamilihan dahil sa Rice Tariffication Law.
Tumanggap ng tulong pinansyal ang mga magsasaka na nagtatanim at nag-aani ng palay sa lupang isang ektarya pababa.
Sila rin yaong mga na-validate at napasali sa Registry System for Basic Sectors for Agriculture ng National Statistics Office.
Cash card na naglalaman ng P15,000 na babayaran ng mga magsasaka sa loob ng walong taon na zero interest ang ibinigay ng Land Bank of the Philippines sa mga farmer beneficiaries.
Kapwa aminado ang alkalde at si Casis na labis na apektado ang mga magsasaka sa mababang presyuhan ng palay kaya tama lamang ang ginawa ni Pangulong Rodrigo Duterte na ibigay ang karampatang tulong para maalalayan ang sektor sa kanilang pamumuhay.
Makakatulong din anila lalo na yaong mga rice farmers na biktima ng nakaraang mga lindol ang tulong mula sa DA.
Nsa 279 sa nasabing bilang ay mga rice farmers mula sa Kidapawan City habang 199 naman ang nagmula sa Arakan at 90 sa Makilala Cotabato.