May 500 pasyente sa bansa ang nakatakdang sumali sa Solidaraity trial ng World Health Organization (WHO) sa mga gamot na posibleng lunas sa COVID-19 pandemic.
Ayon kay Health Usec. Maria Rosario Vergeire, may 20 ospital mula sa iba’t-ibang bahagi ng Pilipinas ang napiling sumali sa inisyatibo ng international organization.
Sa ilalim nito, may apat na uri ng gamot na ite-test ng random sa mga pasyenteng infected ng COVID-19.
Ang mga gamot na ito ay hindi pa aprubadong gamot laban sa sakit, at gagamitin lang bilang experimental drug.
Bukas daw posibleng magsimula ang trial kung matatapos ang documentary requirements na kailangan sa gagawing hakbang.
“Habang wala pa ‘yung shipment ng gamot maaari nang mag-umpisa, baka sakali sana kapag naiayos namin lahat ng dokumento, makapag-umpisa bukas ang ating proponent ng trial,” ani Vergeire sa virtual conference nitong umaga.
“Gagamitin muna natin kung ano mang mayroon tayong stocks ng gamot dito sa Pilipinas at papalitan na lang pagdating ng shipment galing sa WHO.”
Bukod sa WHO, naglunsad din ng Recovery trial ang United Kingdom na siyang nilahukan ng nasa 5,000 pasyente.