Mamamahagi na rin ang Red Cross ng COVID-19 vaccine sa mga mahihirap na bansa.
Ito ang ipinangako ng International Federation of Red Cross and Red Crescent Societies (IFRC) dahil sa pangamba na puro mayayamang bansa lang nakakabili ngayon ng vaccine supply.
“The current lack of equity in the rollout of Covid-19 vaccines is alarming and could backfire to deadly and devastating effect,” ani IFRC secretary general Jagan Chapagain.
Target ng Geneva-based institution na maglaan ng 100-million Swiss francs (P5.325-billion) para mabigyan ng bakuna ang 500-million katao.
Nakikipag-ugnayan na raw ang kanilang hanay sa higit 60 bansa na maaari nilang maambunan ng bakuna.
Ayon kay Chapagain, halos 70% ng mga nabakunahang populasyon sa ngayon ay mula sa 50 pinakamayayamang bansa. Habang wala pa sa 1% ang nade-deploy sa 50 pinakamahihirap na estado.
“It could prolong or even worsen this terrible pandemic.”
Nanawagan ang IFRC secretary general sa mayayamang bansa na mamigay ng vaccine supply kapag naipamahagi na nila ang kanilang bakuna sa mga nangangailangang sektor.
Inaasahang makakatanggap ng libreng vaccine supply ang Pilipinas ngayong taon sa pamamagitan ng COVAX Facility. (with report from Agence France-Presse)