May pasilip na sa mga dadalong head of states para sa paghatid sa huling hantungan kay Queen Elizabeth II sa darating na Lunes ika-19 ng Setyembre.
Aabot umano sa bilang na 500 mga head of states, royals at iba pang mga political luminaries ang inaasahang dadalo at magbibigay ng personal na kanilang pakikiramay sa queen na namatay sa edad na 96 noong nakaraang ika-8 ng Setyembre.
Mula sa commonwealth, makikiisa sina Canadian Prime Minister Justin Trudeau, Australian Prime Minister Anthony Albanese, New Zealand Prime Minister Jacinda Ardern at Jamaican Governor-General na si Patrick Allen.
Samantala, sina President Joe Biden at First Lady Jill Biden naman ang kakatawan sa United States.
Makikibahagi rin sa pakikiaramay ang bagong prime minister ng United Kingdom na si Liz Truss.
Dadalo rin sina France President Emmanuel Macron, President Frank-Walter Steinmeier ng Germany, President Sergio Mattarella ng Italy at pati na rin si President Ursula von der Leyen ng European Commission.
Kasama rin sa listahan ng mga panauhin sina Prince Albert II at Princess Charlene ng Monaco, King Felipe and Queen Letizia ng Spain, King Philippe at Queen Mathilde ng Belgium, King Carl XVI Gustaf at Queen Silvia ng Sweden, Emperor Naruhito ng Japan, King Willem-Alexander and Queen Maxima of Netherlands at ang ina nito na si dating si Princess Beatrix.
Ang magulang ni King Felipe na si dating King Juan Carlos at Queen Sofia, King Harald V ng Norway at Queen Margrethe ng Denmark ay inaasahan din na dadalo.
Inaasahan ding makikiisa ang mga lider ng Europe at iba pang mga bansa na sina President Andrej Duda ng Poland, President Alexander Van der Bellen ng Austria, President Gitanas Nauseda ng Lithuania, President Tayyip Erdogan of Turkey, President Isaac Herzog ng Israel, President Cyril Ramaphosa ng South Africa, President Ranil Wickremesinghe ng Sri Lanka, President Yoon Suk Yeol ng South Korea at Presidente Jair Bolsonaro ng Brazil.
Hindi naman daw makakadalo ang namumuno sa Ukraine na si President Volodymyr Zelensky at wala ding kakatawan para sa kanilang bansa dahil sa nagaganap na digmaan pa rin sa kanilang lugar.
Hindi kasama sa inimbita ang Myanmar dahil sa kudeta sa kanilang bansa noong nakaraang taon.
Ang Iran president naman na si President Ebrahim Raise ay kabilang rin sa mga hindi makakadalo dahil pupunta ito sa isang “Ambassadorial Level Meeting”.
Ang katawan ni Queen Elizabeth II ay sinasabing hihimlay ng apat na araw sa Westminster Hall bago ihatid sa kanyang huling hantungan.
Kasunod nito, ang labi ng reyna ay ilalagak sa St. George’s Chapel sa Windsor Castle kasama ang kanyang magulang, King George VI, Queen Mother, kanyang kapatid na si Princess Margaret at ang kanyang asawa na si Prince Philip. (with reports from Bombo Allaiza Eclarinal)