-- Advertisements --

Tinitignan ngayon ng susunod na manunungkulang administrasyon ang pagpapalawig pa sa termino ng panunungkulan ng mga opisyal ng barangay.

Ipinahayag ito ni Atty. Vic Rodriguez, ang executive secretary-designate ni President-elect Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., at sinabing pinag-iisipan ngayon ng papasok na administrasyon ang posibilidad ng pagpapasa ng batas na magbibigay sa mga ito ng hanggang limang taong termino.

Sa ilalim kasi ng kasalukuyang batas ay pinapayagan lamang na manungkulan sa loob ng tatlong taon ang mga baranggay official.

Ngunit nilinaw niya na bukod dito ay bukas din sila sa lahat ng mga opsyon na inihaharap sa kanila.

Samantala, ibinahagi rin ni Atty. Rodriguez na sa ngayon ay hindi pa tiyak kung ipagpapaliban ba o hindi ang barangay at Sangguniang Kabataan (SK) elections sa darating na Disyembre 2022 dahil kasalukuyan pa aniya nila itong pinag-aaralan.

Una nang sinabi ng Commission on Elections (Comelec) na sisimulan na nilang ayusin ang December 2022 barangay and SK elections sa susunod na buwan kabilang na ang pag-imprenta ng ilang mga election documents, pagkuha ng mga kagamitan sa halalan, at pagsasanay sa mga poll worker, sa kabila ng mga panawagang ipagpaliban ito.

Magugunita na-reset ang naturang eleksyon nitong Mayo 2022 matapos itong ipagpaliban noong October 2016 na naurong pa noong October 2017, na muling na-postponed at naging Mayo 2018.