CAGAYAN DE ORO CITY – Nadagdagan na naman ang bilang ng mga pasyenteng nakitaan ng mga sintomas ng novel coronavirus sa lungsod ng Cagayan de Oro.

Ito ang naging kumpirmasyon ni Department of Health (DOH)-10 Assistant Regional Director, Dr. David Mendoza sa panayam ng Bombo Radyo.

-- Advertisement --

Aniya, umakyat na sa lima ang mga pasyente na nakakaranas ng pag-ubo, sipon, at lagnat na siyang sintomas ng nasabing virus.

Hinihintay naman ng mga health officials ngayong araw ang resulta ng laboratory tests sa mga samples nito na ipinapadala sa Research Institute for Tropical Medicine (RITM).

Sa ngayon, tinawag ng ahensiya na persons under investigation (PUIs) ang mga pasyente dahil mga light symptoms lamang ng virus ang kanilang nakikita.

Una nang in-activate ng lungsod ang “Task Force Novel Coronavirus” na kinabibilangan ng mga representante ng city health office, Department of Health, JR Borja General Hospital, Northern Mindanao Medical Center, City Price Coordinating Council, Department of Trade and Industry, Department of the Interior and Local Government, City Disaster Risk Reduction and Management Department, city police, Bureau of Immigration at city councilors.