CENTRAL MINDANAO – Nagtamo ng sugat at pasa sa kanilang katawan ang lima katao nang mahulog sa bangin ang kanilang sinasakyang pick-up sa lalawigan ng Maguindanao.

Nakilala ang mga biktima na sina Sarip Kugan Kanapia, 48, driver; Faiza Kanapia, barangay chairwoman; Edwin Lumenda Sambolawan, 47, teacher; at ang mga estudyanteng sina Datuwata Kanapia Sambolawan, 16; at Datu Jasim Kanapia, 15, na mga residente ng Brgy. Dapantis, bayan ng Rajah Buayan.

Base sa ulat ng pulisya, lulan ang mga biktima sa isang Toyota Pick-up na minamaneho ni Kanapia pauwi ng kanilang tahanan galing ng Cotabato City ngunit pagsapit nila sa Barangay Dulangan sa Datu Odin Sinsuat ay nag-overtake ito sa isang sasakyan at bigla itong huminto.

Hindi na makontrol ng driver ang manibela ng pick-up kaya bumulusok ito sa malalim na bangin sa gilid ng national highway.

Ang mga sugatan ay agad tinutulungan ng mga residente sa lugar at dinala sa Cotabato Regional and Medical Center (CRMC) sa Cotabato City.

Sa ngayon ay nagpapatuloy ang imbestigasyon ng DOS PNP sa naturang pangyayari.