Pormal nang isinampa sa Department of Justice (DoJ) ang mga reklamong paglabag sa Section 20 (n) at (o) RA 7586 as amended by RA 11038 at paglabag sa Section 81 ng Presidential Decree (PD) 705 laban sa lima katao na sinasabing nangamkam ng lupain o ilang bahagi ng protected area sa Antipolo City.
Una rito, humingi ng tulong sa National Bureau of Investigation (NBI) ang Department of Environment and Natural Resources (DENR)-Rizal kaya agad silang nakipagtransaksyon sa suspek na si Milanio Resureccion na nag-alok ng 1,000 square meters lot sa Sitio San Ysiro, Barangay San Jose, Antipolo City sa halagang P150,000 at nang iniabot na ng poseur buyer ang napagkasunduang P20,000 bilang downpayment ay agad na inaresto ang suspek.
Kaugnay nito ay kinumpirma ng DENR-Rizal na ang bahagi ng ibinibentang lupain ay nasasakupan ng Upper Marikina River Basin Protected Landscape at doon naman naaresto ang limang mga nakatira na nagtayo na ng mga istruktura na walang clearance mula sa Protected Area Management Board.
Wala rin daw maipakitang titulo ng lupa ang limang residente kaya bukod sa pangunahing suspek na si Resureccion ay kasama rin sila sa sinampahan ng reklamo sa DoJ.