Limang preso ang namatay nang bumangga sa puno ang sasakyang ginamit nila sa pagtakas kasunod ng nangyaring mass jailbreak sa Lebanon.

Sa pahayag ng pulisya, nangyari ang insidente nang tangayin ng anim na bilanggo ang isang kotse makaraang makatakas sa pasilidad sa Baabda district.

Maliban sa limang patay, isa naman ang sugatan sa insidente.

Una rito, nagawa ng nasa kabuuang 69 bilanggo na sirain ang pinto ng kanilang selda sa isang kulungan malapit sa Beirut nitong madaling araw ng Sabado.

Batay sa ulat, 15 preso na ang nahuli kung saan ang isa ay isinauli ng kanyang ina.

Naglunsad na ng imbestigasyon ang mga otoridad hinggil sa jail-break. (BBC)