KORONADAL CITY – Umabot sa limang mga high target value ang namatay sa isinagawang police operation sa Sitio Mapayag, Lambayong, Sultan Kudarat.
Ito ang kinumpirma ni Maj Jenahmeel Tonacao, hepe ng Lambayong MPS sa panayam ng Bombo Radyo Koronadal.
Ayon kay Tonacao, nakipagbarilan umano sa raiding team ang mga target ng search warrant kaya’t nagresulta sa pagkasawi ng mga ito.
Target ng nasabing operation ang mga most wanted person na sina Adhen Salbo, Loy Salbo at apat na iba pa.
Dagdag pa ng opisyal, unang nagpaputok ang mga suspek kaya’t gumanti ang raiding team na nagresulta sa pagkapatay ng target at apat na mga kasamahan nito.
Narekober sa bahay ng target ang tinatayang nasa higit kumulang 50 grams na shabu na may estimated street value na P325,000.
Narekober din ng mga otoridad ang iba’t ibang uri ng matataas na kalibre ng baril, mga bala at empty shell.
Dinala naman sa Sultan Kudarat Provincial Hospital ang bangkay ng mga nasawing suspek habang patuloy na inaalam kung may mga kasamahan pa ang mga ito.
Kabilang sa nagsagawa ng operasyon ang Lambayong MPS, PDEA12, SKPDEU, 1ST SKPMFC, RSOG, RID, 1202nd RMFB12, SK HPT, 43RD SAC PNP SAF at 14MICO.