Tinatayang aabot sa 5 hanggang 8 million doses ng COVID-19 vaccines ang darating sa Pilipinas ngayong linggo o sa susunod, ayon kay vaccine czar Secretary Carlito Galvez Jr.
Kabilang sa mga inaasahang darating ay ang tatlong milyong doses ng Sinovac, nasa 360,000 doses ng Pfizer, at humigit kumulang 1.8 million doses naman ng Moderna.
Ang paparating na Sinovac at Pfizer vaccines ay pawang binili ng national government, habang ang Moderna naman ay binili ng pamahalaan at ng private sector sa pamamagitan ng tripartite agreement.
Bukod dito, ide-deliver din bago matapos ang buwan ang buwanang pledge naman ng COVAX facility na 3 milyong doses.
Samantala, ikinatutuwa naman ni Galvez na palaki na nang palaki ang bilang ng mga Pilipinong kumpleto na sa bakuna kontra COVID-19.
Hanggang noong Agosto 20, mahigit 13 million Pilipino na ang fully vaccinated habang 16.9 million naman ang naturukan na ng first dose.
Ang bilang ng mga fully vaccinated nang indibidwal ay kumakatawan sa 18.5 percent ng 77 million eligible population na target ng gobyerno na mabakunahan bago matapos ang taon para makamit ang herd immunity.