-- Advertisements --

Aabot sa limang mga bansa ang nanawagan sa International Criminal Court na imbestigahan ang mga insidente ng war crimes sa mga Palestinian territories.

Ito ay sa gitna ng nagpapatuloy na kaguluhan sa pagitan ng Israeli Defense Forces at militanteng grupong Hamas.

Sa isang pahayag ay sinabi ni ICC prosecutor Karim Khan na nakatanggap ng joint request ang naturang korte mula sa mga bansang South Africa, Bangladesh, Bolivia, Comoros at Djibouti na nagsasaad aniya ng layunin nitong tiyaking tinututukan ng ICC ang malalang sitwasyon ngayon sa Palestine.

Una nang sinabi ng tanggapan ni Khan na sa ngayon ay nakapangalap na sila ng “significant volume” ng mga impormasyon at ebidensya kaugnay sa mga posibleng krimeng nagaganap sa Palestinian territories na kinasasangkutan din ng ilang Palestinian.

Matatandaang bukod dito ay mayroon na ring gumugulong na imbestigasyon ngayon ang ICC sa sitwasyon ng State of Palestine nang dahil sa umano’y war crimes na nagawa nito noong Hunyo 13, 2014.