BAGUIO CITY – Inilibing na ang limang bangkay na hindi pa nakikilala mula sa walong bangkay na natagpuan sa Marcos Highway, Tuba, Benguet noong nakaraang linggo.

Ayon kay Tuba Mayor Clarita Sal-ongan, nabalisa sila sa masangsang na amoy na nagmumula sa punerarya sa bahagi ng Marcos Highway kung saan temporaryong nakalagak ang mga bangkay.

Aniya, dahil dito ay hiniling nila ang tulong ng mga residente para sa paglibing sa mga nasabing bangkay.

Humingi aniya sila ng mga donasyon at materyales na gagamitin sa mga grave sites.

Napag-alamang ang mga natitirang bangkay ay tatlong nabubulok na katawan at dalawang kalansay.

Una ng nakilala ang tatlo mula sa walong bangkay habang hinihintay pa ang resulta ng DNA tests sa lima pang bangkay para sa posibleng pagkakakilanlan ng mga ito.