Nilinaw ngayon ng Department of Health (DOH) na tanging lima lamang, at hindi anim, na indibidwal na mayroong travel history sa India bago pa man nagpatupad ang Pilipinas ng travel ban ang nagpositibo sa COVID-19.
Sinabi ng DOH na base sa tala ng Bureau of Quarantine, 149 pasahero ang mayroong recent travel history sa India, kung saan 129 dito ay returning overseas Filipino at 20 naman ang foreign nationals.
Ayon sa kagawaran, lahat ng 149 na pasahero ay kaagad na pinag-quarantine matapos na dumating sa bansa at sumailalim sa swab test sa ika-anim o ika-pitong araw ng kanilang isolation.
Sa bilang na ito, lima ang nagpositibo sa COVID-19 habang 137 naman ang negatibo sa naturang respiratory illness.
Sa mga nagpositibo, isa ang nanatili pa rin sa isolation habang patuloy namang biniberipika ang kalagayan ng apat na pasyente.