Iniulat ng Department of Health na nakapagtala ito ng aabot sa 470,000 na mga kaso ng tuberculosis sa bansa noong taong 2022.
Paliwanag ni Dr. Ronald Allan Fabella, isang TB advisor ng disease prevention and control bureau ng DOH, isa ang COVID-19 sa mga nakaapekto ng detection at treatment program ng kagawaran sa tuberculosis.
Ngunit batay aniya sa pagtataya ng World Health Organization, ang bilang na ito ay wala pa sa normal na bilang na naitatala sa bansa kada taon dahil kadalasang tinatayang umaabot sa mahigit 700,000 ang bilang ng mga Pilipinong naitatala ng kagawaran na mayroong tuberculosis kada taon.
Batay kasi sa ulat ng World Health Organization ay nakapagtala ang Pilipinas ng nasa 741,000 na mga kaso ng nasabing sakit, at 60,000 sa mga ito ay nasawi noong taong 2021.
Ang tuberculosis ay sanhi ng isang bacteria na tinatawag na Mycobacterium tuberculosis na kadalasang nakakaapekto sa baga ng isang tao at nakakahawa.
Ilan sa mga pangkaraniwang sintomas nito ay ubo na may plema at dugo kung minsan, pananakit ng dibdib, panghihina, pagbaba ng timbang, lagnat at pagpapawis sa gabi.