-- Advertisements --

CAUAYAN CITY – Aabot sa 47,000 benepisyaryo ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps) ang nakatakdang alisin sa listahan sa Region 2 matapos na ipag-utos ni DSWD Secretary Erwin Tulfo ang paglilinis sa listahan.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan, inihayag ni Public Information Officer Michael Gaspar ng DSWD Region 2 na aabot sa 1.3 million ang aalisin sa listahan ng 4Ps sa buong bansa at 47,000 rito ay mula sa ikalawang rehiyon.

Maari pa itong madagdagan kapag natapos na ang isasagawa nilang evaluation.

Ilan lamang sa dahilan kung bakit tatanggalin sa listahan ang isang miyembro ay wala ng mga anak na 0 to 18 years old sa isang pamilya habang may mga kusang umaalis sa programa dahil tumaas na ang antas ng kanilang pamumuhay.

Ilan din sa tatanggalin ang mga fraudulent beneficiary o ang mga nagpanggap lamang na mahirap.

Mayroon ding mga nakitang naduplicate ang pangalan at ang mga benepisyaryong matitigas ang ulo na nagsusugal o nagbibisyo.

Ang mga matatanggal sa listahan ng 4Ps ay papalitan ng mga karapat-dapat na benepisyaryo.

Bago tanggalin ang isang miyembro ng 4Ps ay pupuntahan ng mga kawani ng DSWD upang matiyak na karapat-dapat na matanggal sa listahan.