-- Advertisements --

Tinutulak umano ng U.S., Iran, at isang grupo ng mga regional mediators ang mga termino para sa posibleng 45-araw na tigil-putukan, na maaaring maging daan sa permanenteng pagtatapos ng digmaan, ayon sa ulat nitong Lunes (araw sa Pilipinas).

Batay sa impormasyon mula sa apat na impormante mula sa Estados Unidos, Israel, at rehiyon na may kaalaman sa mga pag-uusap, tinatalakay ng mga tagapamagitan ang mga kondisyon para sa isang two-phased deal.

Sa unang bahagi, saklaw ang posibleng 45-araw na tigil-putukan, habang ang ikalawang bahagi naman ay nakatuon sa permanenteng resolusyon ng hidwaan.

Maaaring palawigin ang tigil-putukan kung kinakailangan ng karagdagang araw para sa pagpapatuloy ng negosasyon, ayon pa sa naging ulat.

Ayon sa White House hindi pa inaaprubahan ni U.S. President Donald Trump ang panukalang 45-araw na tigil-putukan.

Kaugnay nito hindi rin sumang-ayon ang Iran sa tigil putukan, ito’y matapos sabihin ni Iranian Foreign Ministry Esmaeil Baghaei, may sariling tugon na ito sa mga hinihinging kondisyon ng Amerika para ‘wakasan ang digmaan at tinanggihan ang ultimatums nang Estados Unidos.

Ang naturang proposal ay inihain ng ilang bansa bilang bahagi ng patuloy na pagsisikap na mapababa ang tensyon sa gitna ng nagpapatuloy na sigalot sa rehiyon. Layunin nitong magpatupad ng pansamantalang tigil-putukan habang isinusulong ang mas malawak na usapang pangkapayapaan.

Samantala, sinabi ni Trump sa Wall Street Journal noong Linggo na nagtakda siya ng deadline hanggang Martes ng gabi para sa Iran na buksan ang Strait of Hormuz. Pahayag niya, kung hindi ito masusunod, posibleng atakihin ng Amerika ang critical infrastructures ng bansa.