-- Advertisements --
Vaccines

Pumapalo sa 44 million doses ng covid-19 vaccines ang nasayang.

Paliwanag ni Department of Health (DOH) officer-in-charge Maria Rosario Vergeire, nasa 24 million doses ng mga bakuna ang lagpas na sa shelf life habang nasa 3.6 million doses naman ang apektado ng operational wastage dahil sa mga kalamidad, temperature excursion at discoloration.

Kasalukuyan pa lang na tinutukoy naman ng DOH ang dahilan ng pagkasayang ng nasa 5% ng milyun-milyung doses ng bakuna.

Ayon sa DOH official ang 44 million doses ng bakuna na hindi na mapapakinabangan ay katumbas ng 17.5% ng kabuuang bakuna na natanggap ng Pilipinas kontra covid-19.

Habang nasa 75% ng bakuna na ang nasayang ay nagmula sa binili ng pribadong sektor at mga lokal na pamahalaan.

Nasa 4 hanggang 5 porsyento naman ang nagmula sa mga donasyong bakuna at dalawang porsyento mula sa binili ng gobyerno.

Una ng ibinunyag ni Senator Pia Cayetano, na tumayong sponsor sa naging paghimay ng pondo ng DOH sa deliberasyon sa plenaryo na nasa 31.3 million doses ng bakuna ang nasayang na nagkakahalaga ng P15.6 billion.