Ibinida ng Philippine National Police ang mga bagong police lawyers mula sa kanilang hanay.
Ito ay matapos na makapasa rin sa 2022 Bar Examinations ang nasa 43 na mga pulis ng Pambansang Pulisya.
Kabilang sa mga ito ay ang 11 Police Commissioned Officers, 29 na Non-Commissioned Officers, at tatlong Non-Uniformed personnel.
Sa datos ng PNP Directorate for Personnel and Records Managment, nagmula sa National Capital Region ang walo at pinakamaraming police lawyers na nakapasa, sinundan naman ito ng Police Regional Office 9 na mayroong 5, habang 4 na bar passers naman ang naitala ng Police Regional Office 10, at Cordillera region.
Kaugnay nito ay nagpaabot naman ng buong pusong pagbati si PNP Chief PGen Rodolfo Azurin Jr. sa mga ito kasabay ng pagpapahayag ng kaniyang pag-asa na ipagpapatuloy ng mga ito ang paglilingko sa hanay ng kapulisan.
Aniya, kinakailangan ng PNP ang serbisyo ng mga police lawyers pang mas mapaigting pa ang kampanya nito kontra kriminalidad, ilegal na droga, at korapsyon.
Matatandaang una nang sinabi ng Korte Suprema na mula sa 9,183 bar examinees ay 3,992 lang dito o 43.47% lamang ang tanging nakapasa sa prestihiyosong Bar Examinations na ito noong nakaraang taong 2022.