Sumampa na sa 43 individuals ang naiulat na nasawi habang walo ang sugatan dahil sa pananalasa ng bagyong Agaton.
Ito ay batay sa latest situational report na inilabas ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) nitong araw.
Ayon kay NDRRMC Spokesperson Mark Timbal, may nadagdag na walong katao na naiulat na nasugatan habang pito ang missing o nawawala.
Sinabi ni Timbal, ang 37 na naiulat na fatalities ay mula sa Baybay City sa Leyte, tatlo mula sa Negros Oriental, dalawa mula sa Monkayo, Davao de Oro, at isa mula sa Cateel, Davao Oriental.
Dagdag pa ni Timbal, 37 sa mga ito ay biktima ng landslide na naganap sa Baybay, Leyte at kasalukuyang nagpapatuloy ang search and retrieval operations sa nasabing area.
Sa ngayon, umakyat na sa kabuuang 580,876 katao o katumbas ng 213,327 pamilya ang apektado ng bagyong Agaton mula sa 924 barangays sa Bicol, Western Visayas, Central Visayas, Eastern Visayas, Northern Mindanao, Davao, Soccsksargen, Caraga, at Bangsamoro Autonomous Region.
Nasa 34,583 katao o 13,788 pamilya ang kasalukuyang nananatili sa 348 evacuation centers.
Nasa kabuuang 341 kabahayan ang nasira, 322 partially damaged at 19 totally damaged sa mga rehiyon ng Bicol, Western Visayas, Central Visayas, Eastern Visayas, Northern Mindanao, Davao, Soccsksargen, at Caraga.
Batay sa isinagawang initial damage assessment ng NDRRMC nasa mahigit P51,398,517 halaga ang nasira sa agriculture sector sa Eastern Visayas, Soccsksargen, at Bangsamoro.
Nakapagtala din ang NDRRMC ng 407 flooding incidents, 43 landslides, six flash floods, tatlong maritime incidents, at pag-apaw ng tubig sa mga ilog.
Nasa 50 roads at anim na tulay ang hindi passable at 13 siyudad at municipalities ang nagdeklara ng state of calamity dahil sa bagyong Agaton.