Patuloy pa rin ang pagdating ng mga locally stranded individuals (LSIs) sa Libingan ng mga Bayani, Taguig City sa pagbabaka-sakali na makauwi sila sa kani-kanilang probinsya.
Sa huling tala ng Hatid Tulong program, aabot sa 400 katao ang nasa labas ng libingan, na siyang inalmahan ng mismong convener ng programa na si Asec. Joseph Encabo.
Sinabi ni Encabo sa isang panayam, na tila nananamantala ang ilang indibidwal na nagpupunta dito at nagpapakilalang LSI para lang makauwi ng libre.
Kahapon daw nagkaroon ng random profiling ang otoridad sa mga LSIs na sa labas ng sementeryo at nakita nila na may ibang kahina-hinala ang itsura, at mukhang hindi naman umano nangangailangan talaga ng tulong at ayuda.
Pero hindi sanga-ayon dito si “Lisa,” stranded OFW mula Iloilo, na hindi na naka-alis ng bansa mula Enero.
“Sana mabigyan kami ng chance na makauwi kasi lagi naman nagka-cancel, paiba-iba yung desisyon pero okay lang basta makauwi lang kami. Totoo kaming stranded, marami kami dito.”
Sa ngayon halos 200 LSIs pa ang nasa loob ng Heroes Cemetery na nakatakdang ihatid pauwi sa susunod na linggo. Kaya sila pending ay dahil binigyan din ng panahon para mag-quarantine ang mga driver at iba pang tauhan na nangasiwa sa paghahatid ng mga naunang batch.
Apela rin ni Encabo sa mga sumugod na LSIs na may kakayahan naman, bumili na ng kanilang sariling ticket at huwag nang makipagsiksikan.
Ang Malacanang may hiwalay na ring panawagan sa mga LSIs na nandito sa labas ng Libingan ng mga Bayani na umuwi muna at maghintay sa announcement ng susunod na schedule ng programa.
“Dahil wala namang ina-announce na schedule itong programa nating Hatid (Tulong), nakikiusap kami kung pwede bumalik muna kayo sa inyong mga tintirhan dito sa Metro Manila at kung mayroon nang anunsyo kung kailan ang susunod ay ipagbibigay namin sa inyong lahat,” ani Presidential spokesperson Harry Roque.