CENTRAL MINDANAO-Apatnapung katao ang isinugod sa mga ospital matapos tamaan ng gastrointestinal Amebiasis sa probinsya ng Cotabato.
Ayon sa ulat dumalo ang mga biktima sa isang tradisyonal na pagtitipon sa kanilang nayon at sabay-sabay na kumain.
Ilang minuto lamang ang nakalipas ay nakaranas na sila ng pananakit ng tiyan,pagsusuka at pagtatae kaya isinugod ito sa pagamutan.
Karamihan sa mga dumalo ay nagmula sa Barangay Catmon,Alimodian,Minamaing at Sta. Maria sa bayan ng Matalam.
Sinabi ni Matalam Vice Mayor Ralph Ryan Rafael na karamihan sa mga biktima ay magkakamag-anak lamang na dumalo sa isang pamanhikan.
Si Rafael ay naroon mismo sa seremonya ng dalawang malalaking angkan ng Ilonggo.
Kinomperma ng mga doktor na sumuri sa dumi mula sa mga pasyente ay nagpositibo sa Entamoeba histolytica na nagdudulot ng amoebic dysentery na posibling galing sa tubig at pagkain.
Agad namang umaksyon si Vice-Mayor Rafael,mga tauhan Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office (MDRRMO) katuwang si Governor Emmylou”Lala”Mendoza at Congresswoman Samantha Santos na mabilis na tumugon sa pangangailangan ng mga pasyente.