-- Advertisements --

Pormal nang inilunsad ngayong araw ng Caritas Philippines na siyang “social arm” ng Catholic Bishop Conference of the Philippines (CBCP), ang “I Vote God” na “40 days of Prayer and Discernment” para sa May 9, 2022 elections.

Layon ng nasabing programa ay para gabayan ang mga botante at mga mananampalataya sa tamang pagpili ng mga kandidato.

Pinangunahan ni Monsignor Antonio Labiao Jr., ang executive secretary ng Caritas Philippines, kasama si Fr. Victor Carmelo Diola, ang chairman ng Dilaab Philippines na isang non-profit organization na nagsimula pa noong 2000 na naglalayon na makatulong sa mga mahihirap na mamamayan.

Nagbigay din ng virtual messages sina Bishop Colin Bagaforo ng Diocese ng Kidapawan at ang national director ng Caritas Philippines, gayundin si CBCP president at Bishop Pablo Virgillo David.

Ayon kay Father Labiao, kanilang iikutin ang iba’t ibang parish sa bansa para hikayatin ang mga tao sa tamang paraan ng pagpili ng kandidato sa halalan.

“Ang importante na ang voters natin makilala nila nang lubos kung sino ‘yong mga kandidato para hindi lang tayo nagboboto dahil inutusan tayong bumoto at dahil lang nakuha natin sa social media,” ani Father Labiao.

Sa panig naman ni Father Diola, sinabi nito na mula pa noong mga nagdaang eleksyon ay aktibo na ang kanilang grupo sa pakikipagtulungan sa bawat dioceses para magkaroon ng malinis na halalan ang bansa.

priests pari cbcp march gomburza

Samantala nitong nakalipas lamang na Linggo, naglabas ng pastoral letter at nanawagan si Bishop David sa taongbayan na makiisa sa gaganaping botohan at ipahayag ang kanilang mga sarili sa isang makatarungan, magalang, at mapayapang paraan.

Dito hinikayat niya ang bawat isa na pagmalasakitan ang ating bansa sa pamamagitan ng pagboto ng tama.

Kinakailangan kasi aniya na unti-unti ang pagbabago ng political culture ng bansa dahil kung pananatilihin daw kasi natin ang negatibong pananaw sa politika ay hindi tayo aani ng mga positibong resulta.

Binigyang-diin din ni Bishop David ang kahalagahan ng boto, kung kaya umaabot pa aniya sa puntong binibili ito o di kaya’y ninanakaw.

Sa oras aniya kasi na nagbenta ang isang tao ng kanyang boto ay nangangahulugan ito ng pagsuko natin sa kanyang kalayaan at kinabukasan.

Ngayong papalapit na ang halalan ay mas lalo pang hinihikayat ni David ang publiko na gamitin ang “Laser” test na nangangahulugan ng Lifestyle, Action, Supporters, Election conduct at Reputation, sa pagtukoy kung sino sa mga kandidato ang mas inuuna ang kapakanan ng bansa kaysa sa kanilang pansariling interes.