-- Advertisements --

BAGUIO CITY – Nakatakdang magsagawa ang Philippine Military Academy (PMA) ng apat na short term plan para matiyak ang kaligtasan ng mga kadete sa loob ng akademya.

Ayon kay Brigadier General Romeo Brawner, Commandant of Cadets ng PMA, sa pamamagitan ng mga nasabing plano ay maaalis ang takot sa mga kadete na dulot ng pagkamatay ni Cadet 4CL Darwin Dormitorio.

Sinabi ni Brawner na unang hakbang sa short term plan ang integration ng first, second, third at mga fourth class cadets sa iisang silid, para maiwasan ang pagkampihan ng iisang class sa paggawa ng masama.

Ikalawang hakbang ang pagdaragdag ng tactical officers na mangunguna at magiging mentor ng mga kadete.

Ang pangatlo aniya ay pagpapanatili ng mga closed circuit televisions sa mga delikadong bahagi ng akademya para mabantayan ang ginagawa ng mga kadete.

Panghuli namang hakbang ang pagsasagawa ng psychological intervention gaya ng stress management sa mga kadete.