ILOILO CITY- Ikinalulungkot ng Police Regional Office 6 ang pagkamatay ng apat na pulis matapos mahulog sa bangin ang sinasakyan nilang 6×6 truck sa Brgy. Girmonoy Janiuay, Iloilo.
Kinilala ang mga biktima na sina Police Corporal Emerson Peñarubia; Patrolman Prince Angelo Supiter, Patrolman Rex Agupitan at Patrolman Antonio Tumanday Jr. mga kasapi ng 601st Regional Mobile Force Batallion 6.
Sa ekslusibong panayam ng Bombo Radyo Iloilo kay Lt. Col. Joem Malong, tagapagsalita ng Police Regional Office 6, sinabi nito na ilang araw lang ang pagitan ng namatay ang dating Iloilo Police Provincial Office Director Police Col. Marlon Tayaba dahil sa sakit at si Police Captain Efren Espanto, Jr., pinuno ng reconnaisance company ng Regional Mobile Force Battalion na namatay sa encounter, at muli na namang nalagasan ang hanay ng kapulisan.
Ayon kay Malong, magbibigay sila ng tulong sa pamilya ng mga biktimang namatay at sa mga nasugatan.
Dagdag pa nito na babayarin nila ang lahat ng gastos ng mga pulis sa ospital at may matatanggap rin ang mga ito na financial assistance.
Nakatakdang magsagawa ang Police Regional Office 6 ng imbestigasyon kay Patrolman Francis Prudente na mismong driver ng truck.
Sa ngayon nanatili sa ospital ang mga sugatang pulis upang mabigyan ng kaukulang lunas.
Napag-alaman na apat na beses na nagpagulong-gulong ang truck bago ito tuluyang bumagsak sa bangin.