-- Advertisements --

BUTUAN CITY – Nilinaw mismo ni PMaj Dorothy Tumulak, ang tagapagsalita ng Police Regional Office (PRO) 13, na propaganda lamang ang kumakalat ngayong mga leaflets ng rebeldeng grupong New People’s Army (NPA) na may nakasulat na apat umanong mga opisyal ng PRO-13 ang wanted sa kanilang hanay.

Ito’y dahil may kinalaman umano ang mga ito sa mga pagsasampa ng kasong pagpatay at ba pang akusasyon, pati ang sapilitang pagpapasuko sa mga sibilyan at kanilang mga supporters kungsaan kabilang sa pinaghahanap na opisyal ay si PNP-Caraga Regional Director PBGen. Romeo Caramat Jr.

Nilinaw ni Major Tumulak na ang lahat ng mga operasyong ginawa ng pulisya at militar sa rehiyon ay lehitimo at batay sa ipinalabas na arrest at search warrants ng korte na kanila lamang ipinatupad.

Napag-alamang kanilang sinubaybayan ang lahat ng mga kilos ng NPA partikular sa Surigao del Norte at Agusan del Norte kaya natagpuan ng kanilang Intelligence community ang nasabing propaganda sa tulong na rin at suporta ng pamayananan upang makuha nila ang wastong impormasyon.

Tinawag din ng opisyal na desperado na ang mga ito dahil sa sunud-sunod na pagsurender ng kanilang mga kasamahan sa gobyerno pati na rin ang pag-aresto sa mga wanted nilang kasamahan dahil sa kanilang pagkasangkot sa iba’t bang krimen.

Sinasabing ang pagsuko ng mga kasapi ng Militia nga Bayan, mga aktibong miyembro ng NPA, at pagsuporta sa masa ay nagpapatunay na marami ang nagising at sumalungat sa walang kabuluhang ideolohiya ng teroristang kilusan.

Kaya patuloy ngayon ang pananawagan ng mga pulisya at ng hukbong sandatahan sa mga grupo ng terorista na sumuko na sa gobyerno upang matikman ang mga benipisyong inilaan ng pamahalaan para sa kanila lalo na ngayon na patuloy din ang counter-insurgency campaignm ng PNP at AFP laban sa mga teroristang patuloy na nagtatago sa ilalim ng batas.