Hawak na ng Bureau of Immigration (BI) officers sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) ang apat na overseas Filipino workers (OFWs) na na-recruit bilang household service workers sa Dubai.
Sa report ng BI Travel Control and Enforcement Unit (TCEU) kay Immigration Commissioner Jaime Morente, nagpanggap daw ang apat na babaeng OFW na magtatrabaho sa Europe.
Tinangka raw ng mga ito na sumakay sa Emirates flight papuntang Dubai sa NAIA Terminal 3 noong Hulyo 12.
Una rito, sinasabing nagprisinta ang mga biktima ng balidong work permits at visas patungong Albania pero kinalaunan ay inamin ng mga ito na sila ay na-hire bilang household service workers sa Dubai.
Inamin din umano ng mga ito na hindi talaga sila pupunta sa mga European country.
“This is a new modus operandi employed by human traffickers and illegal recruiters. They will obtain work permits and job contracts for their victims to work in another country, such as Albania or Maldives, when in fact Dubai is their actual work destination. This is a type of third country recruitment, wherein victims are given documents for one country, but end up being deployed in another. In many instances, victims are made to accept conditions that are otherwise not acceptable just to be deployed for work,” base sa report.
Sa report ng TCEU, lahat ng mga pasahero ay nagprisinta ng mga dokumento na nagpapakitang sila ay na-hire bilang housekeepers o warehouse staffers sa Albania.
Pero nang tanungin kung saan talaga ang kanilang actual travel itinerary, lumalabas na inamin nila na na-recruit sila bilang household service workers sa Dubai.
Ipinangako daw sa kanila ng recruiter na saka pa lang ibibigay ang kanilang job contracts at work visas pagdating nila sa Emirate.
Lumalabas na nagbayad ang kanilang mga employer ng P200,000 para maiproseso ang kanilang mga visa.
Dahil dito, nagbabala si Morente sa mga Pinoy na gustong mangibang bansa na mag-ingat sa mga illegal recruiters at huwag kumagat sa mga modus ng mga traffickers na gustong paiksiin ang proseso sa pag-a-abroad para sila ay kumita.
“Don’t be misled by these unscrupulous individuals and agree to illegal means just to be deployed,” anang BI chief.
Ang apat ay iniendorso na sa Inter-Agency Council Against Trafficking para sa mas malalimang imbestigasyon kasabay ng paghahain ng kaso laban sa kanilang mga recruiters.