Naka-focus ngayon ang National Bureau of Investigation (NBI) sa apat na persons of Interest sa pagpatay kay retired Court of Appeals (CA) Justice Normandie Pizarro.
Ayon kay Department of Justice Sec. Menardo Guevarra, isa umano sa mga suspek ay willing na ibunyag ang kanyang nalalaman kaugnay ng pagpatay sa dating mahistrado ng CA.
Una rito, sinabi ni Guevarra na base sa forensic chemistry division report ng NBI, lumalabas na 99.99999 percent na nag-match ang DNA ni Pizarro sa DNA ng kanyang mga kaanak.
Sinabi ni NBI Director Eric Distor na dahil na rin sa dental evidence na nakolekta ng forensic team ng NBI ay nag-match ito sa dental records ng dating mahistrado ng CA.
Sa ngayon patuloy ang imbestigasyon na isinasagawa ng NBI para alamin ang motibo sa krimen at sino ang nasa likod ng pagpatay sa dating hukom.
Ang bangkay ni Pizarro ay natagpuan sa Capas, Tarlac noong Oktubre 30.
Sinabing hindi kaagad nakumpirma na si Pizarro ang bangkay dahil inalis ang mga daliri nito at pinutol ang kabilang kamay para mawala ang finger print.
Huling nakitang buhay si Pizarro sa Pampanga noong Oktubre 23 at kinalaunan ay iniulat ng kaniyang mga kaanak na nawawala na.
Oktubre 30 din nang makita ng mga otoridad ang inabandonang sasakyan ni Pizzaro sa San Simon na may bahid ng dugo.
Si Pizzaro na nagretiro pa noong taong 2018 at naging kontrobersiyal dahil sa mga sinulat nitong desisyon gaya ng pag-acquit sa sinasabing pork barrel mastermind na si Janet Lim-Napoles sa kanyang serious illegal detention case noong May 2017.
Sinulat din nito ang ruling para ma-acquit si dating Palawan Governor Joel Reyes sa pagkamatay ng environmentalist at broadcaster na si Gerry Ortega sa Puerto Princesa noong 2011.
Ibinasura rin ni Pizzaro ang desisyon ng korte sa Hawaii kaugnay ng $2-billion na halaga ng kompensasyon para sa mga human rights victims noong Martial Law.
Noong April 2018, minultahan ng Supreme Court (SC) si Pizarro ng P100,000 dahil sa conduct unbecoming of a member of the judiciary dagil sa kanyang gambling addiction.