ILOILO CITY – Patay ang apat na katao matapos malunod habang naliligo sa Taraw Falls sa Trinidad, San Remigio, Antique.

Ang mga biktima ay kinilalang sina Wylen Grace Dalmacio, 21, ng Odiong, Sibalom, Antique; alyas Ben, 16; Mary Adela Jayme, 27, at alyas Budong, pawang residente ng Cabiawan, San Remigio, Antique.

Sa panayam ng Bombo Radyo Iloilo kay Staff Sergeant July Job Miles, imbestigador ng San Remigio Police Station, sinabi nito na naliligo ang mga biktima sa talon ng biglang tumaas ang lebel ng tubig kasunod ng pagbuhos ng malakas na ulan.

Inanod umano ng malakas na tubig ang mga biktima kung saan isa lang sa kanilang kasama ang nakaligtas na kinilalang si alyas Renalyn, 10, ng Cabiawan, San Remigio Antique.

Sa ngayon, pansamantala munang binawalan ang publiko na paliligo sa nasabing talon.