-- Advertisements --

CAUAYAN CITY – Nagdulot ng pag-apaw ng tubig sa ilang overflow bridges sa Isabela at pagbaha sa ilang mababang lugar ang malakas at tuluy-tuloy na pag-ulan kahapon dahil sa epekto ng habagat na hinahatak ng Bagyong Marilyn.

Kaugnay nito, hindi na madaanan ang mga overflow bridges sa Alicaocao, Cauayan City; Baculod sa Lunsod ng Ilagan; gayundin sa bayan ng Reina Mercedes at Sto. Tomas, Isabela, dahil sa pagtaas ng water level sa Cagayan River.

Nagdulot naman ng pagbaha sa national highway sa San Pedro, Aurora, Isabela, ang pag-apaw ng irigasyon na nagbunga ng mabigat na daloy ng trapiko lalo na kaninang umaga.

Samantala, dahil din sa malakas na pag-ulan lalo na kahapon ay sinuspinde ang klase sa mga pribado at pampublikong paaralan sa mga bayan ng Aglipay, Saguday, Diffun at Cabarroguis, Quirino.

Layunin nito na mapangalagaan ang kaligtasan ng mga estudyante mula sa landslide lalo na sa mga malalayong lugar na may mga kabundukan sa lalawigan ng Quirino.