-- Advertisements --
image 30

Isinumite na ng Land Transportation Office (LTO) para sa resolution ang apat na kasong kinakaharap ng dating pulis na si Wilfredo Gonzales na sangkot sa road rage incident sa Quezon city.

Ito ay matapos na hindi sumipot sa naka-schedule na pagdinig itong huwebes si Gonzales.

Sa halip, kumatawan sa kaniya ang kaniyang anak na nag-surender ng lisensiya sa pagmamaneho ni Gonzales kaugnay sa 90 araw na suspensiyon na ipinataw ng ahensiya matapos kumalat ang video online kung saan nanakit at nagkasa ito ng baril sa isang siklista.

Ayon kay LTO-National Capital Region (NCR) Assistant Regional Director Hanzley Lim, ang kabiguang magsumite ng isang notarized affidavit ay maituturing bilang waiver para dinggin at magpasya sila sa naturang kaso base sa hawak nilang mga ebidensiya.

Anuman aniya ang magiging resulta, isusumite ito sa opisina ni LTO Chief, Assistant Secretary Vigor Mendoza II para sa approval.

Matatandaan na una ng inisyuhan ng LTO ng show cause order si Gonzales para pagpaliwanagin ito kung bakit hindi dapat siya parusahan sa apat na paglabag nito sa ilalim ng Republic Act 4136, o ang Land Transportation and Traffic Code.

Kabilang sa kinakaharap na paglabag ni Gonzales ay reckless driving, obstruction of traffic, at improper person to operate a motor vehicle.

Ang maximum penalty para sa mga nasabing kaso laban kay Gonzales ay permanenteng revocation o pagwawalang-bisa ng kaniyang driver’s license.