BAGUIO CITY – Pasok sa Top 10 ng Philippine Military Academy (PMA) Mabalasik Class of 2019 ang apat na Igorot-Pride o Cordillerans.

Kabilang sa mga ito si 3rd Placer Cadet 1CL Jahziel Tandoc mula Wangal, La Trinidad Benguet; 4th Placer ni Cadet 1CL Daniel Heinz Lucas mula Gawana, Barlig, Mountain Province; 6th Placer ni Cadet 1CL Richard Lonogan mula Antadao, Sagada, Mountain Province at si 8th Placer Cadet 1CL Glyn Marapao mula sa Buguias, Benguet.

Sa panayam ng Bombo Radyo-Baguio sa ina ni Daniel Heinz Lucas na si Lydia Lucas, sinabi nito na hindi niya alam na nagapply ang kanyang anak sa akademya kaya’t nagulat na lamang sila noong nag-paalam na itong papasok sa PMA.

Dahil dito, lubos na ipinagmamalaki ng pamiliya ang tagumpay ng kanilang anak lalo na’t kabilang ito sa Top 10.

Samantala, ibinahagi naman ni Cadet 1CL Richard Lonogan na kahit kailan ay hindi niya inisip na sumuko noong siya’y nag-aaral pa lamang sa akademya sa kabila ng mga hirap na dinanas nito.

Aniya, pinili niyang magsilbi sa Philippine Navy dahil ito ang nasa puso niya.