-- Advertisements --
Francisco Duque III
Health Secretary Francisco Duque III

May bagong apat na kaso ng coronavirus disease (COVID-19) ang naitala sa bansa.

Ito mismo ang kinumpirma ng Department of Health (DOH) kung saan umabot na sa 10 kaso ng COVID-19 ang naitala sa bansa.

Ang apat na bagong kumpirmadong kaso ay nasuri noong March 7 at inilabas ang resulta nitong Marso 8.

Sa inilabas na impormasyon ng DOH, ang pang-pitong kaso ay isang 38-anyos na lalaking Taiwanese na may history of contact sa kapwa Taiwanese foreign national na bumisita sa Pilipinas at nagpositibo sa COVID-19 sa Taiwan.

Hindi bumiyahe sa labas ng bansa ang pasyente at nagsimula ang sintomas noong Marso 3.

Isang 32-anyos na lalaking Filipino ang pang-walong pasyente na nagtungo sa Japan sa loob ng 14 na araw kung saan nagsimula ang sintomas nito noong March 5.

May history naman sa pagbiyahe sa USA at South Korea ang pang-siyam na kaso na isang 86-anyos na lalaking American na nasimula ang sintomas noong March 1.

Hindi namang bumiyahe sa labas ng bansa ang pang-10 kaso na isang 57-anyos na Filipino na sinasabing nahawaan ng may sakit na COVID-19 at ito ay iniimbestigahan na ng DOH.

Ayon pa sa DOH ang mga bagong kaso ng COVID-19 ay nasa pribadong pagamutan na.

Sinabi naman ni DOH Secretary Francisco Duque III, na naghahanda na sila ng kaso ng localized transmission ng nasabing sakit.

Hinikayat din nito ang mga tao na may trangkaso o anumang sintomas ng sakit at na-expose sa may sakit na agad na makipag-ugnayan sa kanila o tumawag sa hotline ng ahensiya (02) 8-651-7800 local 1149-115.

Magugunitang ang tatlong unang kaso ng COVID-19 ay pawang mga Chinese na naiulat noong Enero at Pebrero at nitong Biyernes ay dalawang kaso na pawang mga Filipino ang naiulat habang ang pang-anim ay asawa ng isa sa mga pasyente.

Apat namang Filipino ang nagpositibo sa Hong Kong habang tatlo naman sa Singapore.