ILOILO CITY – Nadagdagan naman ang positive case ng Coronavirus Disease 2019 (COVID-19) sa Western Visayas.

Base sa resulta na inilabas ng Department of Health (DOH), nagpositibo sa COVID 19 ang 61-anyos na babae mula sa Lungsod ng Iloilo at ang 45-anyos na lalaki mula sa Jamindan, Capiz.

Sa panayam ng Bombo Radyo Iloilo kay Dr. Marlyn Convocar, regional director ng DOH-Region 6, sinabi nito na ang dalawang may positibong kaso ng COVID 19 ay may travel history sa Metro Manila at nasa maayos namang kalagayan.

Ayon kay Convocar, patuloy ang contact tracing sa mga nakasalamuha ng dalawang bagong pasyente.

Hindi na binanggit ng DOH-6 kung anong distrito sa lungsod ang nagpositibo sa nasabing virus.

Ani Convocar, mayroong pang 44 swab sample na hinahantay mula sa Research Institute for Tropical Medicine (RITM) at inaasahang lalabas ang resulta pagkatapos ng pitong araw.

Sa ngayon, pumalo na sa apat ang kabuuang bilang ng mga kumpirmadong kaso ng COVID-19 sa Western Visayas.

Una itong naitala sa Bacolod City at sinundan sa Guimbal, Iloilo.