-- Advertisements --

BUTUAN CITY – Nakapagtala ng dalawang sugatan at apat na kataong nawawala ang Surigao del Sur kasunod ng pananalasa ng Bagyong Auring nitong weekend.

Ito’y kahit pa tinarget ng provincial government na makamit sana ang zero casualty.

Kinilala ng Provincial Disaster Risk Reduction and Manegemtn Office ang isa mga nawawala na si Florencio Rivas Blanco, 56-anyos ng Barangay Pong-on, bayan ng San Agustin.

Habang ang tatlong iba pa ay nagngangalang Vengie Alisaca, 39; Danilo Nerona, 32; at Ronie Llano, 41, pawang taga-General Santos City na sakay ng bangka na diumano’y bumaliktad at lumubog sa karagatan ng Bislig City.

Nagpapatuloy ang search, rescue at retrieval operations at inaasahang ligtas silang makakauwi.

Samantala, ang dalawang nasugatan ay taga-San Miguel na nakilalang si Charlito Polka, 42, na nagtamo ng sugat mula sa inanod na yero sa bayan ng San Miguel; at si Mary Jane Tambalong, 37, na umano’y natamaan ng kidlat.

Sa kabilang dako, mahigpit na seguridad ang ipinatupad sa Surigao del Sur para sa nakatakdang pagdating ni Pangulong Rodrigo Duterte ngayong tanghali.

Ayon kay Marjorie Pagaran, chief of staff ni Gov. Alexander “Ayek” Pimentel, personal na susuriin ng pangulo ang mga lugar na sinalanta ni “Auring” lalo na sa mga bayan at lungsod na lubusang binaha.

Kabilang dito ang Marihatag, San Miguel at Tandag City, kung saan lampas-tao ang lebel ng tubig-baha.

Una nang nagsidatingan ang mga cabinet members ng pangulo na siyang magbi-briefing ukol sa mga danyos na iniwan ng bagyo at ang immediate response na isinagawa ng mga kaukulang ahensya ng pamahalaan para sa mga biktima ng baha.