
Matagumpay na na-rescue ng militar at pulisya ang tatlong Indonesian kidnap victims sa Pasigan Island, South Ubian, Tawi-Tawi kagabi.
Kinilala ni Western Mindanao Command (Wesmincom) commander Lt. Gen. Corleto Vinluan ang mga nasagip na sina: Riswanto Bin Hayono, Arical Kastamiran, at Arsyad Bin Dahalan habang ang Filipino naman ay si Sahud Salisim, a.k.a. Ben Wagas.
Sinabi ni Vinluan na ang tatlong Indonesians ay kasama sa limang Indonesian nationals na nagtatrabaho sa Malaysian fishing firm na dinukot ng Abu Sayyaf group sa Tambisan, Malaysia noon pang January 17, 2020.
“Based on the report submitted by Joint Task Force Tawi-Tawi, personnel from the Tandubas PNP immediately coordinated with the Marine Battalion Landing Team-6 regarding the four individuals they rescued ashore around 10:30 p.m., same day,” wika pa ni Lt. Gen. Corleto Vinluan, Jr.
Sa ngayon, nakikipag-ugnayan na ang Wesmincom sa Indonesian government para maiuwi na ang mga nakalayang bihag.
Isinasailalim na sa custodial debriefing ang mga nasagip sa tulong ng Marine Batallion Landing-6 at Tandubas PNP.
Sa kabilang dako, ayon naman kay JTF Tawi-Tawi commander B/Gen. Arturo Rojas, iniiwasan ng mga bandido ang walang tigil na military operation sa probinsiya ng Sulu dahilan para ibiyahe ng mga ito ang kanilang bihag sa probinsiya ng Tawi-Tawi sakay ng isang Jungkong.

“Another passenger of the said Jungkong was rescued by a passenger vessel along Silandat Island, South Ubian and this was identified as a certain Bensal Jakare of Indanan, Sulu,” pahayag pa ni Gen. Rojas.
Samantala, ayon naman kay PNP OIC Lt Gen. Guillermo Eleazar, bandang alas-5:30 ng hapon kahapon ng makatanggap ng impormasyon ang Tandubas Municipal Police Station mula sa isang concerned citizen kaugnay sa mga survivors mula sa nagbanggaang bangka sa may karagatan ng Pasigan Laut, South Ubian, Tawi-Tawi.
Agad rumisponde ang grupo ni P/Capt Al Kenneth Cayanga para i-verify ang nasabing ulat at nagsagawa ng rescue operations sa bangkang lumubog.
“The PNP in coordination with the Coast Guard is conducting search operations for other missing persons lost at sea. Meanwhile, we are also coordinating with the Indonesian government to validate the identities of the victims and find their families,” dagdag pa ni Eleazar.
















