Sinampahan ng kaso ng US Department of Justice ang apat na Chinese nationals dahil sa di-umano’y pamemeke ng mga ito sa kanilang visa at pagsisinungaling tungkol sa koneksyon ng mga ito sa tropa-militar ng China.
Ayon sa departamento, kasali umano ang mga ito sa research activities ng Estados Unidos at ang isa sa kanila ay nagtatrabaho rin bilang researcher sa Stanford University.
Tatlo sa mga suspek ay inaresto noong Hunyo habang ang iba naman ay nagtungo umano sa Chinese consulate sa San Francisco matapos kwestyunin ng Federal Bureau of Investigation (FBI) agents noong Hunyo 20.
Inaakusahan ngayon ng FBI ang gobyerno ng China na nagpapadala ng kanilang military scientists at researchers sa mga unibersidad sa Amerika upang magnakaw ng mahahalagang impormasyon.
Dahil dito ay mas lalong madudungisan ang bilateral ties sa pagitan ng US at China.
Una rito ay inutusan ng US ang China na isara ang consulate nito sa Houston, Texas. Ang hakbang na ito ay upang protektahan umano ang intellectual property ng Amerika at maging ang mga pribadong impormasyon ng mga naninirahan dito.
Aminado rin si President Donald Trump na posibleng ipasara rin nito ang ilan pang Chinese consulates sa Amerika.