ROXAS CITY – Arestado ang apat na katao sa ikinasang search warrant ng mga miyembro ng Provincial Drug Enforcement Unit ng Capiz Police Provincial Office, Philippine Drug Enforcement Agency, Pontevedra at Pilar Municipal Police Station, sa apat na bahay na nagsisilbi umanong drug den sa Barangay Tabuc, Pontevedra, Capiz.
Kinilala ang mga nahuli na sina Ricardo Biclar, Jr., 39-anyos na dating barangay kagawad; Jeric Daliva; Remuel Mayo, 33; at Joselito Espurtuno.
Sa ikinasang operasyon ng mga otoridad, narekober sa bahay ni Biclar ang limang sachet ng pinaniniwalaang shabu, mga empty sachets at ilang drug paraphernalia; dalawang sachet ng pinaniniwalaang shabu at mga drug paraphernalia naman ang nakuha sa bahay ni Mayo; habang ilang empty sachet ng pinaniniwalaang shabu at mga drug paraphernalia rin ang nakuha sa bahay nina Daliva at Espurtuno.
Sinasabing ang bahay ni Biclar ang bagsakan ng iligal na droga at ang tatlong iba pa ang nagsisilbi nitong mga runner.
Ang search warrant laban sa mga suspek ay pirmado at inirekomenda ni Regional Trial Court Executive Judge Ignacio Alajar.
Sa ngayon, naka-detene na sa Pontevedra Municipal Police Station ang mga suspek










