Bukas daw ang Commission on Elections (Comelec) na magkaroon ng third party na mag-iimbestiga sa umano’y irregularities sa May 13 elections.
Ayon kay Commissioner Rowena Guanzon, pagkatapos ng canvassing puwede umanong pumasok ang third party na mag-o-audit ng mga logs.
Maging si Comelec Commissioner Luie Tito Guia ay payag din umano sa pag-iimbestiga o technical audit.
Mas gusto naman ng dalawa ang independent third party na magsasagawa nito.
Siniguro naman ng Comelec na walang dayaan sa naganap na midterm elections.
Una rito, nagkaroon ng problema sa transmission ng election result dahil sa tinatawag na Java error na naging dahilan para magduda ang ilan sa resulta ng halalan.
“Willing kaming may third party na audit diyan ng logs pagkatapos. I want to assure the public that we are open to inquiries or technical audit… Ako and Commissioner Guia prefer an independent third party to do this. I can assure personally na wala pong daya diyan o magic,” wika ni Guanzon.