Bumaba pa bahagyang ang naitatalang mga bagong kaso ng COVID-19 sa Pilipinas sa nakalipas na ilang araw.
Ito ay makaraang iulat ngayon ng Department of Health (DOH) ang karagdagan na 3,806 na mga kaso ng COVID-19.
Kaugnay nito, ang kabuuang kaso ngayon ng coronavirus sa bansa mula noong nakaraang taon ay nasa 1,485,457 na.
Marami rin naman ang mga bagong gumaling ngayon na umaabot sa 6,296.
Ang kabuuang mga nakarekober sa bansa ay umaabot na sa 1,414,817 o katumbas ito ng 95.2 percent.
Bahagya ring bumaba ang mga aktibong kaso sa Pilipinas na nasa 44,408.
Balik naman sa mahigit 100 ang mga bagong namatay makaraang makumpirma ang 140 na mga bagong pumanaw.
Ang death toll ngayon sa bansa ay nasa 26,234 na.
Sinasabing ang 1.77 percent na case fatality rate ang pinakamataas mula noong March 31 ng taong kasalukuyan.
Meron namang limang mga laboratoryo ang nabigong makapagsumite ng kanilang mga data sa DOH.
“Sa kabuuang bilang ng mga naitalang kaso sa bansa, 3.0% (44,408) ang aktibong kaso, 95.2% (1,414,817) na ang gumaling, at 1.77% (26,232) ang namatay,” ayon pa sa report ng DOH. “Ayon sa pinakahuling ulat, lahat ng mga laboratoryo ay operational noong July 12, 2021 habang mayroong 5 laboratoryo na hindi nakapagsumite ng datos sa COVID-19 Document Repository System (CDRS). Base sa datos sa nakaraang 14 na araw, ang kontribusyon ng 5 labs na ito ay humigit kumulang 2.1% sa lahat ng samples na naitest at 1.9% sa lahat ng positibong mga indibidwal.”