-- Advertisements --

Ikinalungkot ni Surigao del Norte Representative Robert Ace Barbers ang balita na nagpositibo sa drug test ang 37 tauhan ng Public Safety and Security Office ng Davao City.

Ayon kay Barbers maging ang siyudad ng Davao kung saan nakatira ang galit sa iligal na droga ay hindi ligtas, kaya kailangan na ng whole-of-govt approach para tugunan ang problema sa iligal na droga sa bansa.

Dagdag pa ni Barbers bilang Chairman ng House Committee on Dangerous Drugs, nanawagan ito sa PNP at PDEA na seryosohin ang pagbuwag sa source ng iligal na droga sa Davao City.

Suportado naman ng mambabatas ang mga hakbang ni Mayor Baste Duterte upang lutasin ang problema ng ipinagbabawal na gamot sa lungsod.

Nagbabala rin si Barbers sa mga sindikato ng droga na bilang na ang kanilang araw at muling isinulong ang pagbabalik ng parusang kamatayan sa bansa.

Giit ni Barbers kung sa tingin ng mga sindikato na maari nilang suhulan ang lahat,ito ay malaking pagkakamali nila.

Dahil dito nais ni Barbers na buhayin muli ang death penalty sa bansa.