Patung-patong na mga kasong pagpatay laban sa mga suspek sa pamamaslang kay dating Negros Oriental Governor Roel Degamo ang isinampa ng Philippine National Police.
Ayon kay PNP-Public Information Office chief PBGEN Redrico Maranan, aabot sa 36 na iba’t-ibang kaso ng murder ang isinampa ng pulisya laban sa mga suspek sa naturang krimen.
Ang mga ito ay binubuo ng 10 kaso ng murder, 17 frustrated murder, 9 na attempted murder.
Ani Maranan, bukod dito ay ipinag-utos na rin ni Department of the Interior and Local Government Secretary Benjamin Abalos Jr. sa PNP na tiyaking malaks ang ebidensyang ihaharap nito sa korte.
Kasunod ito ng pagbawi ng 10 suspek sa kanilang mga sinumpaang salaysay na nagdidiin kay suspended Negros Oriental Representative Arnolfo Tevez Jr. bilang utak sa likod ng nasabing pamamaslang.
Giit ni Maranan, sa kabila nito ay nananatiling matibay ang kaso ng prosekusyon dahil sa mga nakalap na ebidensya ng pulisya kabilang na ang mga naging pahayag ng mga testigo, mga narekober na armas, ballistic tests, at DNA samples.
Aniya dahil dito ay kumpiyansa ang Pambansang Pulisya na magiging maganda ang takbo ng kasong ito at makakamit nito ang “honest to goodness” na pagpapanagot sa mga suspek at utak sa likod ng pamamaslang kay dating Negros Oriental Gov. Roel Degamo.