-- Advertisements --

Hawak na ngayon ng Bureau of Immigration (BI) ang 36 banyaga sa isinagawang raid sa isang illegal online gaming company sa Double Dragon Plaza Tower 3, Pasay City.

Ayon BI Commissioner Jaime Morente, ang mga banyaga ay nagtatrabahong walang kaukulang visas at documentation.

Agad nagsagawa muna ng imbestigasyon ang intelligence division matapos makatanggap ng report na mayroong mga banyaga doon na nagtatrabahong walang kaukulang permit.

Nakipag-ugnayan din umano ang BI sa Philippine Amusement and Gaming Corporation (PAGCOR) at naberepika ng Immigration Bureau na walang lisensiya at authority to operate ang kumpanya na siyang kailangan para makapag-operate ang isang gaming companies dito sa Pilipinas.

Sinabi naman ni BI Intelligence Chief Fortunato Manahan, Jr. na nadiskubre nilang sangkot ang naturang kumpanya sa live studio gambling at ang karamihan sa mga operators maging ang nagma-manage ay Korean nationals.

Maliban dito, nagsasagawa rin umano ang kumpanya ng illegal at clandestine online gaming operations.