Reading Time: 1 minute

MAKATI CITY – Aabot sa $350-milyon ang pondong inilaan ng isang private company para sa Makati City Subway system na proyekto ng lokal na pamahalaan ng naturang lungsod.

Nitong araw nang lumagda sa ilalim ng public-private partnership agreement sina Makati City Mayor Abby Binay at Philippine Infradev Pres. Antonio Tiu.

Sa ilalim nito, sasagutin ng kompanya ang konstruksyon, operasyon at management ng subway system sa loob ng 50-taon.

Makati Subway
IMAGE | Proposed Makati City Subway/Makati LGU

Noong nakaraang taon nang igawad ng city government ang proyekto sa consortium na kinabibilangan ng Philippine Infradev.

Kasama nito ang ilang Chinese partners na Greenland Holdings Group, Jiangsu Provincial Construction Group Co. Ltd. Holdings Ltd., at China Harbour Engineering Company Ltd.

Nasa $3.5-bilyon ang kabuuang pondo na target para sa naturang proyekto.

“IRC (former name ng Philippine Infradev) together with Chinese partners has already completed the equity portion. Right now, we are in the process of finalizing the debt syndication. Then everything will proceed as planned,” ani Tiu.

Ayon kay Mayor Binay, agad na sisimulan ang paghuhukay sa para sa subway kapag dumating na ang tunnel boring machines sa Disyembre.

Magkakaroon ng 10 istasyon sa ilalim ng proyekto, mula EDSA-Ayala hanggang University of Makati sa Guadalupe.

Tinatayang nasa 700,000 commuter ang mase-serbisyuhan ng proyekto.