Natanggap na ng nasa 35,000 sa 136,000 initial card holders ng Pantawid Pasada Program ang kanilang P6,500 fuel subsidy, ayon sa Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB).
Sinabi ni LTFRB executive director Maria Kristina Cassion na inaasahan nilang pagsapit ng Biyernes ay makukompleto na ng Land Bank of the Philippines ang distribution ng naturang ayuda.
Ayon kay Cassion, nagsimula na ang Land Bank sa pag-transfer ng P6,500 fuel subsidy sa mga public utility vehicle drivers at operators, na lubhang apektado nang ilang serye nang pagtaas ng presyo ng mga produktong petrolyo.
Pinayuhan naman niya ang mga hindi pa nakakatanggap ng naturang fuel subsidy na i-check ang kanilang accounts hanggang Biyernes.
Samantala, nasa proseso pa naman sa ngayon nang pamamahagi ng mga cards sa mga drivers at operators ng mga bus, tricycle at delivery riders dahil sila ay bahagi na ng expanded program para sa fuel subsidy.
Dahil mayroon na rin namang ongoing payroll para sa mga bus, sinabi ni Cassion na ang mga kompanya ay dapat na maibigay sa LTFRB regional offices ang account numbers ng kanilang mga drivers para sa naturang ayuda.
Para naman sa mga taxi at TNVS, ang LTFRB regional offices na rin aniya ang maglalabas ng guidelines sa Land Bank branches kung saan nila maaring iproseso ang kanilang fuel subsidy cards.