CAUAYAN CITY – Lumikas sa evacuation center ang 34 na pamilya matapos na mabaha ang kanilang bahay dahil sa pag-apaw ng tubig sa sapa sa Gaddanan at Salinungan East, San Mateo, Isabela dahil sa patuloy na pag-ulan.
Inabisuhan na rin ang mga pamilya sa lungsod ng Cauayan at Lunsod ng Ilagan na nakaranas ng pagbaha noong bagyong Ulysses na maging alerto dahil sa patuloy na pag-ulan.
Samantala, umabot na sa pitong overflow bridges sa Region 2 ang hindi madaanan dahil sa pagtaas ng water level sa Cagayan River.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan, sinabi ni Information Officer Francis Joseph Reyes ng Office of Civil Defense (OCD) Region 2 na sa Isabela ay hindi na madaanan ang Alicaocao overflow bridge sa Cauayan City, Baculod overflow bridge sa City of Ilagan, Sta. Maria-Cabagan overflow bridge, Cabagan-Sto.
Tomas overflow bridge at patuloy ding minomonitor ang tulay sa Cabiseria 8 sa City of Ilagan dahil sa patuloy na pagtaas ng water level sa mga ilog.
Sa Cagayan naman ay hindi na rin madaanan ang Bagunot overflow bridge sa bayan ng Baggao, Abusag Overflow Bridge at San Isidro-Taytay Overflow Bridge.
Kaninang umaga ay umabot na sa alarm level ang water level sa Buntun Bridge na umabot na sa 7.12 meters.
Ang daan naman mula sa Sta. Fe, Nueva Vizcaya patungo sa dulong hilagang Cagayan ay passable pa rin sa anumang uri ng sasakyan.
Ayon kay Information Officer Reyes, bunsod ng nararanasang pag-ulan na nagsimula kahapon ay may mga lumikas na sa Isabela at Cagayan.
Sa barangay Gaddanan sa San Mateo, Isabela ay 11 na pamilya na ang lumikas na may 29 na indibiduwal habang sa barangay Salinungan East ay mayroon ding 23 na pamilya.
Sa Cagayan naman ay may apat na pamilya o 21 indibidual na nasa East Central School sa Tuguegarao City habang sa Baggao ay may 121 families o 221 individual.
Ayon kay Information Officer Reyes, ang mga evacuees sa Baggao ay nasa evacuation center na simula pa noong bagyong Ulysses.
Pinaalalahanan niya ang mga mamamayan na nakatira sa hilagang bahagi ng Isabela pangunahin na sa Tumauini, Cabagan, Sta. Maria, Sto. Tomas habang sa Cagayan ay ang Enrile, Tuguegarao City, Solana, Iguig, Amulong, Alcala, Lallo, Gattaran, Lasam, Aparri na maging Alerto para sa posibleng preemptive evacuation.
Sa gitna ng mga nararanasang pagbaha at isinasagawang paglikas ay nagbigay din siya ng paalala na huwag kalimutan ang mga minimum health protocols kontra sa COVID-19.
Samantala, patuloy na nagpapalabas ng tubig ang Magat Dam sa Ramon, Isabela at simula kaninang alas-8:00 ng umaga ay dalawang gate na ang nakabukas.