Nasira ang 34.4 hectares na palayan sa Barangay Evangelista sa bayan ng Tayug sa Pangasinan dahil sa El Nino ayon sa ulat ng Department of Agriculture – Ilocos.
Ayon kay DA Information Officer Vida Cacal, nasa booting stage na ang mga palay nang ito’y masira.
Hindi bababa sa 30 magsasaka ang naapektukhan nito at humingi na lamang ng buto ng mais bilang pamalit sa nasirang palay.
Ito ay maliit na parte lamang ng higit 68,000 hectares ng palayan at 6,000 hectares na maisan na inaasahang madaling maaapektuhan ng El Nino sa rehiyon ng Ilocos dahil karamihan sa mga ito ay umaasa lamang sa tubig-ulan.
Naglaan na ng 1.6 billion pesos ang Department of Agriculture – Ilocos para mapagaan ang epekto ng El Nino.
Nagsagawa na rin ang kagawaran ng iba’t ibang programa katulad ng pag-provide ng water pumps at drought-resistant na vegetable seeds sa mga magsasaka.
Hinikayat din nito ang mga magsasaka na magtanim ng kamote at ube dahil hindi ito nangangailangan ng maraming tubig para mabuhay.
Nagsagawa na rin ang provincial environment and natural resources office ng Pangasinan ng ilang hakbang para mapigilan ang pagkakaroon ng forest fires partikular na sa bulubunduking bahagi ng lalawigan.