-- Advertisements --
image 362

Nagpapatuloy pa rin ang naitatalang aktibidad ng Bulkang Mayon, ayon sa Philippine Institute of Volcanology and Seismology.

Ito ay matapos na maobserbahan ng kagawaran ang mas maraming mga rockfall at pyroclastic density current events, at gayundin ang sulfur dioxide emission nito sa Bulkang Mayon.

Batay sa pinakahuling datos na inilabas ng PHIVOLCS, aabot sa 339 rockfall events at 13 dome-collapse pyroclastic density current events na tumagal ng isa hanggang apat na minuto ang naitala nito sa nakalipas na 24 oras.

Mas mataas ito kumpara sa 299 rockfall events at pitong pyroclastic density current events na una nang iniulat ng kagawaran kahapon.

Bukod dito ay naobserbahan din ang pagtaas ng pagbuga ng sulfur dioxide ng bulkan na umabot sa 706 tonnes, mas mataas kumpara sa 574 tonnes na una na ring naitala kahapon.

Samantala, sa kabila ng mga ito ay wala namang naobserbahan ang PHIVOLCS ng volcanic earthquakes ng Bulkang Mayon.

Habang nakitaan naman ng mabagal na pagbuga ng lava mula sa summit crater ng nasabing bulkan sa kahabaan ng Mi-isi gully na umaabot sa 2.5 kilometers at sa kahabaan ng Bonga gully na umaabot ng 1.8 kilometro.

Ang pagbagsak ng lava sa magkabilang gullies ay nakita din sa loob ng 3.3 kilometro mula sa bunganga.

Isang katamtamang pagbuga ng mga plumes din na umaabot hanggang 750 metro ang naobserbahan sa pag-anod ng bulkan sa direksyong timog-kanluran.

Dahil dito ay inirerekomenda pa rin ng ahensya ang paglikas ng mga residenteng nasa 6km radius na permanent danger zone dahil sa panganib na dulot ng Bulkang Mayon.

Kaugnay nito ay patuloy pa ring pinagbabawalan ang mga piloto na lumipad malapit sa tuktok ng bulkan dahil sa mga posibleng biglaang pagsabog na mapanganib para sa mga sasakyang panghimpapawid.

Kasalukuyan pa ring nakataas sa Alert Level 3 ang Bulkang Mayon dahil sa mga bantang dulot nito.