Iniulat ng National Electrification Administration (NEA) na 32 electric cooperatives sa anim na rehiyon ang naapektuhan ng Super Typhoon Nando at pinalakas na habagat, batay sa ulat noong Setyembre 23, 2025.
Tatlong kooperatiba kabilang ang ABRECO, BATANELCO, at INEC ang nakaranas ng kabuuang pagkawala ng kuryente, habang walo pa ang may partial brownouts, kabilang ang BATELEC II, BENECO, CAGELCO I & II, IFELCO, ISECO, LUELCO, at MOPRECO.
Samantala, nananatiling normal naman ang operasyon ng 21 iba pang kooperatiba.
Ayon sa NEA, 271 sa 411 bayan (65.94%) ay nananatiling may kuryente, habang 638,615 kabahayan ang patuloy na isinasaayos ang suplay ng kuryente.
Tinatayang umabot na sa P2.19 million ang inisyal na pinsala sa imprastraktura, base sa ulat ng BENECO.
Samantala ang mga apektadong rehiyon ay kinabibilangan ng CAR, Ilocos Region, Cagayan Valley, Central Luzon, CALABARZON, at MIMAROPA, na bumubuo sa kabuuang 22 probinsya.