Kinumpirma ni Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM) Interior and Local Government Minister Atty. Naguib Sinarimbo na nasa 31 na ang nasawi dahil sa nangyaring flash flood at landslide sa ilang lugar sa probinsiya ng Maguindanao dahil sa bagyong Paeng.
Sinabi ni Sinarimbo sa Bombo Radyo, 11 munisipyo ang apektado kabilang ang siyudad ng Cotabato kung saan 90 percent ng mga barangays sa siyudad ang lubog sa tubig baha.
Bukod sa mga nasawi nakapagtala din ng pitong missing sa munisipyo ng Datu Blah. Una rito may lumabas pang impormasyo na aabutin ng 100 katao ang nasawi sa naturang biglaan at malawakang pagbaha bagay na ayaw pang kumpirmahin ni Sinarimbo.
Samantala, ang mga munisipyo na apektado ng flash flood ay ang Sultan Kudarat, Sultan Mastura, Parang, Cotabato, Datu Odin Sinsuat, Datu Blah Sinsuat, Upi, South Upi, Northern Kabuntalan, Guinulungan at Matanog.
Kinumpirma din ni Sinarimbo na ongoing sa ngayong ang search and retrieval operations sa Barangay Kusiong na umano’y “na-wash out” o natabunan ng tubig baha.
Ang barangay Kusiong ay matatagpuan sa paanan ng Mount Minandar.
Aminado si Sinarimbo na sila ay natatakot na posibleng marami ang casualties sa nasabing barangay.
Sa ngayon lahat ng rescue teams ng BARMM RDRRMC ay na-mobilize sa pakikipagtulungan sa PNP at AFP.
Inihayag ni Sinarimbo na first time ito na pumasok sa mga bahay ang tubig-baha.
Sa ngayon patuloy pa na kino-consolidate ng BARMM Interior and Local Government ang bilang ng mga kababayan na naapektuhan ng malawakang pagbaha.
Sa panig ng Cotabato City nasa 67,000 sa kanilang populasyon ang apektado.
Nasa red alert status ngayon ang BARMM kasunod ng nararanasang flash flood.